
Binago ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang patakaran sa pag-apruba ng foreign travel ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan upang mapabilis ang proseso ng kanilang mga aplikasyon.
Sa ilalim ng Administrative Order No. 47, maaari nang magtalaga ang Kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng kinatawan na mag-aapruba ng travel requests ng mga opisyal ng local government unit (LGU).
Ayon kay Executive Secretary (ES) Ralph Recto, layunin nitong mapabilis ang pagproseso ng mga aplikasyon kasabay ng pagdami ng travel requests, habang nananatili ang wastong oversight sa mga lokal na pamahalaan.
Sa ilalim ng Local Government Code, kailangan pa rin ng pahintulot ng Office of the President ang foreign travel ng mga opisyal ng LGU kung ang biyahe ay lalampas sa tatlong buwan, isasagawa habang may state of emergency o krisis, o gagamitan ng pampublikong pondo.
Pinapalitan ng Administrative Order No. 47 ang ilang probisyon ng Administrative Order No. 267 na inilabas noong administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino.










