Tig-₱200,000 direct financial assistance ang nakatakdang matanggap ng bawat barangay sa Pangasinan sa ilalim ng Bawat Bayan Makikinabang Program o BBMP ng national government.
Pinangunahan ni Cabinet Secretary Benhur Abalos Jr., kasama ang iba pang opisyal ng national government, ang ceremonial awarding nitong Oktubre 5 sa Narciso Ramos Sports and Civic Center sa Lingayen.
Dumalo rin sa programa sina Pangasinan Governor Ramon V. Guico III, Vice Governor Mark Ronald DG. Lambino, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at Third District Representative Rachel Arenas, kasama ang mga opisyal ng barangay mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Sa ilalim ng programa, ₱100,000 sa matatanggap na ₱200,000 ng bawat barangay ay nakalaan para suportahan ang limang college scholars mula sa vulnerable sectors, habang ang natitirang ₱100,000 ay para sa priority barangay development projects.
Layunin ng BBMP na direktang makinabang ang mga komunidad sa mga programa ng national government, partikular sa pagtugon sa pangangailangan sa edukasyon at iba pang development priorities sa grassroots level.
Kabilang sa mga dumalo si Kapitan Manuel Abalos Ferrer Jr., Liga Vice President ng Malasiqui Chapter, na nagsabing malaking tulong ang programa sa kanilang mga barangay.
Ayon kay Ferrer, kabilang sa kanilang prayoridad ang educational assistance, gayundin ang mga programang may kaugnayan sa seguridad at pagbabantay sa komunidad, kabilang ang night roving sa mga barangay.
Pinaghahandaan din aniya nila ang posibleng epekto ng El Niño, partikular sa mga magsasaka na maaaring maapektuhan ng kakulangan sa tubig.
Kabilang sa kanilang pinag-aaralan ang mga hakbang upang matiyak ang patubig at makatulong sa pangangailangan ng agricultural sector sakaling lumala ang tagtuyot.
Nagpasalamat naman si Ferrer sa financial assistance at nagpahayag ng pag-asang magtuloy-tuloy ang mga programang nagbibigay ng direktang suporta sa mga barangay at kanilang mga residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










