Monday, April 20, 2026

Maynilad, pinagmumulta ng MWSS ng mahigit P54-M dahil sa mga water interruption

Pinatawan ng multa ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office (MWSS-RO) ang Maynilad dahil sa pagkabigo nitong tuparin ang obligasyon na magbigay ng 24/7 na supply ng tubig sa ilang lugar na kanilang sineserbisyuhan.

Ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Ty, ito ay matapos makarating sa kanila ang matagal nang water service interruptions sa ilang bahagi ng Las Piñas City, Muntinlupa City, Paranaque City, Imus City, and Bacoor City.

Umabot aniya sa mahigit 166,000 na kabahayan sa ilalim ng Putatan Water Treatment Plant at Poblacion Water Treatment Plant Supply Zones ang apektado ng pawala-walang andar ng tubig.

Dahil dito, naglabas ng resolusyon ang MWSS-RO na nagpapataw ng mahigit P54.2 million na multa sa Maynilad.

Ipapatupad ito sa pamamagitan ng rebate o balik bayad sa singil sa tubig na katumbas ng halos P328 kada apektado at magre-reflect sa water bill ng customers sa susunod na buwan.

Sa ilalim aniya ng batas ay pinahihintulutan silang magpataw ng multa sa mga Concessionare na hindi tumutupad sa obligasyon partikular sa pagsusupply ng tubig, sewerage at sanitation services.

Sa ngayon, inatasan din ng ahensiya ang Maynilad na madaliin ang pagresolba sa water service interruptions na nakakaapekto sa mga customers at siguruhin na tuloy-tuloy ang supply sa kanilang mga sineserbisyuhang lugar.

Facebook Comments