MAYOR ARTH BRYAN CELESTE, KINILALA NG BFAR SA PANGANGALAGA NG YAMANG TUBIG

Kinilala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR Region 1 si Alaminos City Mayor Arth Bryan Celeste bilang isa sa mga natatanging katuwang sa pangangalaga at responsableng pamamahala ng pangisdaan at yamang tubig sa rehiyon.

Kaugnay nito, sinabi ni Mayor Celeste na patuloy na nakikiisa ang Alaminos City sa pangangalaga ng yamang tubig at kabuhayan ng mga mangingisda.

Nagpasalamat ang alkalde sa DA-BFAR Region 1 sa pagkakaloob sa lungsod ng Gawad Pagkilala at Pasasalamat sa mga Kabahagi ng Pangisdaan at Yamang Tubig.

Ayon kay Mayor Arrh Bryan Celeste, mahalaga ang naturang pagkilala sa patuloy na pakikiisa ng Alaminos City sa mga hakbang para mapangalagaan ang yamang tubig at masuportahan ang kabuhayan ng mga mangingisda.

Ipinagkaloob ang pagkilala sa isinagawang Gawad Parangal bilang bahagi ng Closing Ceremony and Stakeholders’ Recognition Event ng 63rd Fish Conservation Week sa Quezon City.

Bukod kay Mayor Celeste, kinilala rin mula sa Pangasinan sina Rosalie Arsuelo, CENRO ng Alaminos City; Mayor Facundo Palafox, Jr. ng Bani; Noelito Sapiera, founder ng JNS Aqua Farm; at Edwin Tolete, presidente ng Dasol Saltmakers Association.

Tumanggap din ng pagkilala ang mga katuwang ng BFAR mula sa Ilocos Sur at La Union, kabilang ang mga lokal na opisyal, fisherfolk organizations at pribadong sektor.

Binigyang-diin ng BFAR ang mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan at iba pang sektor sa pangangalaga ng yamang tubig at pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga pamayanang umaasa sa pangisdaan.

Ang Gawad Parangal ay bahagi ng 63rd Fish Conservation Week na may temang “Lusay, Korales, at Bakawan: Yaman ng Karagatan, Masaganang Buhay ng Pamayanan.” | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments