MAYOR BELEN, IBINIDA ANG PAG-UNLAD NG SERBISYONG PANGKALUSUGAN NG DAGUPAN SA UHC SUMMIT 2026

Ibinahagi ni Mayor Belen T. Fernandez ang mga hakbang at pag-unlad ng Dagupan City sa pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan, pagpapalawak ng access sa serbisyong medikal at pagpapabuti ng pondo para sa kalusugan sa ginanap na High-Level Universal Health Care (UHC) Summit 2026 ngayong Nobyembre 5 sa World Health Organization (WHO) Regional Office for the Western Pacific sa Maynila.

 

Sa kanyang presentasyon, itinampok ni Fernandez ang mga pamumuhunan ng lungsod sa pagpapabuti ng mga pasilidad para sa primary healthcare, pagpapalawak ng PhilHealth accreditation, pagpapatupad ng digital health systems at pagpapalakas ng mga pakikipagtulungan para sa mas maayos na serbisyong medikal.

 

Binigyang-diin din ng alkalde ang kahalagahan ng Universal Health Care (UHC) upang matiyak na ang bawat mamamayan ay may pantay na pagkakataong makatanggap ng de-kalidad, abot-kaya at madaling ma-access na serbisyong pangkalusugan.

 

Ayon sa alkalde, nananatiling prayoridad ng kanyang administrasyon ang pagsasakatuparan ng Universal Health Care, hindi lamang bilang isang probisyon ng batas kundi bilang isang serbisyong tunay na nararamdaman at napakikinabangan ng bawat Dagupeño.

 

Sa pamamagitan ng mga programang ito, patuloy na isinusulong ng pamahalaang lungsod ang pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan upang masiguro ang mas malawak, maayos at inklusibong serbisyong medikal para sa mga residente ng Dagupan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments