
Matapos makakolekta ng tone-toneladang basura sa iba’t ibang lugar sa bansa, mas tututukan ngayon ng Department of Energy (DOE) ang mungkahing pagpapatupad ng waste-to-energy.
Una rito, muling nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr na gawing productive resource ang mga residual waste kasunod na rin ng problema ngayon sa mga basurang napadpad sa waterways na nagdudulot ng pagbaha.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon S. Garin, ang mga basurang hindi na mapapakinabangan ay hindi lang dapat nakatambak sa mga landfill o waterways.
Sa pamamagitan aniya ng mahigpit na environmental safeguards ay puwedeng i-convert o gawing enerhiya ang mga basura na makakadagdag sa suplay ng kuryente.
Noong nakaraang buwan, muling ipinagpatuloy ng DOE ang mga aktibidad kaugnay ng Special Auction Round for Waste-to-Energy sa ilalim ng Green Energy Auction Program.
Target nitong makapag-generate ng 400 megawatts ng kuryente mula sa dating 230 megawatts.
Ayon sa DOE, sa Metro Manila pa lamang ay mayroon nang 9,000 metric tons ng municipal solid waste araw-araw.
Base sa pagtaya ng DOE kaya nitong suportahan ang metropolis ng 200 MW ng WTE capacity.
Tiniyak naman ng DOE na susunod sila sa environmental compliance na pangunahing requirement sa pag-develop ng WTE projects.
Ang mga pasilidad ay kailangang sumunod sa applicable environmental laws, permitting requirements at emissions standards para sa kanilang development at operasyon.










