
Naging non-operational ang istasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Paulog, Ligao City, Albay matapos putulin at nakawin ang mga kable noong April 19.
Kabilang sa mga ninakaw ang 6 metrong solar cables, 3 metrong battery cables, 5 metrong liquid-tight conduit cables, at 3 metrong LAN-FTP cables na ginagamit sa power generation, supply at storage, gayundin sa real-time volcano monitoring data communications ng Mayon Volcano.
Nadiskubre ang pagkawala ng mga kagamitan nang magsagawa ng routine maintenance ang mga tauhan ng Mayon Volcano Observatory noong April 19.
Sa pahayag ng PHIVOLCS, maaaring patawan ng parusa at multa ang sinumang sangkot sa pagnanakaw ng government risk reduction and preparedness equipment alinsunod sa Republic Act No. 10344 o Risk Reduction and Preparedness Equipment Protection Act of 2012.










