
Nananatiling ligtas ang mga bakunang inihahatid sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa tulong ng internationally compliant cold chain at delivery systems para masiguro ang kaligtasan at bisa ng mga bakuna mula sa pag-iimbak hanggang sa paghahatid sa malalayong komunidad sa bansa.
Ayon sa PharmaServ Express, na nagsisilbing pangunahing service provider ng Department of Heath (DOH) sa National Immunization Program, gumagamit sila ng International Safe Transit Association (ISTA) validated na bio-thermal packaging systems na kayang panatilihin ang kinakailangang temperatura nang hanggang isang linggo.
Ito ang nangangasiwa sa paghawak at paghahatid ng mga bakuna sa iba’t ibang regional health office para sa pagbabakuna ng mga bata at mga ina.
Sabi ni PharmaServ President Andrian Perez, layon nitong mapanatili ang bisa at potency ng mga bakuna hanggang makarating ang mga ito sa mga health facility at vaccination site sa buong bansa.
Nakikita din ng DOH ang real time na temperature at location para sa bawat shipment.
Bago ito, gumagamit lamang ang DOH ng mga styrofoam box at ice pack para sa pag-iimbak at paghahatid ng mga bakuna.
Una nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa DOH at mga lokal na pamahalaan na siguruhing sapat ang mga bakuna at libreng makukuha sa mga health center para maproteksyunan ang mga bata.










