
Iginiit ni House Deputy Speaker at Las Piñas Representative Camille Villar ang pangangailangan na maipatupad nang mahigpit ang mga batas para sa maibsan ang epekto ng climate change sa agrikultura at kalikasan.
Diin ni Villar, paraan ito para matiyak ang pagtugon sa mga hamon sa pagpapanatili ng seguridad sa pagkain ng bansa.
Sa pagkakaalala ni Villar, taong 1991 o 1997, mayroon nang mga umiiral na batas na nag-uutos sa Department of Agriculture, at iba pang kaukulang ahensya na ikonsidera sa implementasyon ng mga programang pang-agrikultura ang climate change at iba pang tumitinding lagay ng panahon.
Ayon kay Villar, ngayon ay dapat i-review ang nabanggit na mga batas upang matiyak na akma pa sa kasalukuyang panahon at kung mahigpit na naipatutupad.
Bukod dito ay iminungkahi rin ni Villar na pag-ugnayin ang mga hakbang o plano ng national government at ng mga lokal na pamahalaan para matiyak na magiging epektibo sa paglaban sa epekto ng climate change at mga kalamidad.