Mga benepisyo sa 4Ps, pinalawak pa sa pinagtibay na IRR

291

Mas pinalawak at pinadami ng DSWD ang mga benepisyo sa 4Ps kasunod ng pagpapatibay sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act of 11310.


Sa ilalim ng IRR, mas marami pang mahihirap na pamilya ang makikinabang sa 4Ps tulad ng pagbibigay ng livelihood  opportunities at karagdagang  cash grants.

Kanina pormal nang isinagawa ang ceremonial signing ng IRR sa Quezon City na pinangunahan ni DSWD Secretary Rolando Bautista kasama ang ilang opisyal ng Department of Health (DOH),  Department of Education (DepEd) at mga kinatawan ng ahensya na bumuo ng IRR.

Nakasaad sa 4Ps Act, mula sa P500 halaga ng health grant kada buwan, magiging P750 kada buwan na ang makukuha ng mga benepisyaryo.

Magkakaroon na rin ng pagtaas sa buwanang education grant mula sa day care, elementary hanggang senior high school at iba pang benepisyo.

Bukod dito prayoridad na  mabibigyan ng interbensyon at  modalities o employment facilitation services ang mga benepisyaryo na iprenesinta  ng Sustainable Livelihood Program ng DSWD o  iba pang  katulad na programa  ng  mga ahensya ng gobyerno at  accredited private institution.

Base sa Program Implementation Status Report sa unang quarter ng 2019, naipapatupad na ang  4Ps sa  144 siyudad at  1,483 munisipalidad sa 80 lalawigan mula sa  17 rehiyon sa bansa.




Sa kabuuan abot na sa bilang na 4,876,394  ang  household-beneficiaries ang nakikinabang  sa programa ng DSWD.

Facebook Comments