Monday, June 8, 2026

PCG, naka-heightened alert matapos ang malakas na lindol sa Mindanao; biyahe ng mga sasakyang pandagat sa Davao Occidental, pansamantalang suspendido

Nananatili sa heightened alert ang Philippine Coast Guard (PCG) kasunod ng malakas na pagyanig na naitala kaninang umaga sa ilang bahagi ng Mindanao.

Ayon sa PCG, patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga local government units at iba pang ahensiya para matiyak ang kaligtasan ng mga apektadong komunidad.

Kanina, nagbigay din ng emergency assistance ang mga responder ng Coast Guard District Southeastern Mindanao matapos ang malakas na lindol sa Sta. Cruz, Davao del Sur.

Kabilang sa mga nirespondehan ang mga estudyante na nagtamo ng minor injuries at iba pang nawalan ng malay dahil sa insidente.

Agad naman silang dinala sa ospital para sa agarang medical evaluation at gamutan.

Patuloy ding mino-monitor ng PCG ang lagay ng mga baybayin dahil sa tsunami alert na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) matapos ang lindol.

Samantala, suspendido rin muna ang biyahe ng lahat ng mga sasakyang pandagat sa Davao Occidental para sa kaligtasan ng mga pasahero.

Saklaw nito ang lahat ng mga bangkang pangisda at mga pampasaherong barko habang patuloy na mino-monitor ang mga aftershock at sitwasyon ng karagatan.

Facebook Comments