Monday, June 29, 2026

Mga bisita, papayagan nang makapasok sa loob ng Senado

Papayagan na ang pagpasok ng mga bisita sa Senado.

Ito ang sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian sa isang video message kasunod ng pagtiyak sa seguridad sa loob ng mataas na kapulungan.

Ayon kay Gatchalian, papayagan na ang pagpasok ng mga bisita sa loob ng Senado alinsunod na rin sa Visitor Management System na kailangang sagutan ng mga bisita na ipinatutupad ng Office of Sergeant-at-Arms (OSAA).

Para mapanatiling ligtas ang lahat ng mga kawani, mga senador at ang media, patuloy aniya ang pakikipagtulungan ng mga security agencies sa institusyon.

Sinabi ni Gatchalian na patuloy ang inspeksyon sa mga pasukan, pagpapakita ng wastong identification, pagbabantay sa paligid ng Senado at iba pang hakbang para sa pagpapanatili ng seguridad.

Samantala, kasabay ng pagpayag na makapasok ang mga bisita, binuksan na rin ang parking lot ng mga senador na matagal na isinara dahil sa mga kaguluhan at ang intel report kamakailan na may banta sa Senado.

Facebook Comments