Thursday, June 25, 2026

Paggawad ng hustisya para sa mga biktima ng pamamaril sa San Jose National High School, dapat madaliin

Iginiit ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez ang agarang paggawad ng hustisya sa mga biktima ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Mensahe ito ni Romualdez kasunod ng pagdalaw nya sa burol ng mga estudyanteng nasawi sa masaklap na insidente na labis aniyang dinadamdam ngayon ng buong lalawigan ng Leyte at ng malawak na Filipino Community.

Bukod dito ay patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng tanggapan ni Romualdez sa mga nasugatan para sa pagbibigay ng kailangan nilang suporta.

Unang nagsagawa ng koordinasyon ang opisina ni Romualdez sa Department of Social Welfare and Development para sa kailangang psychosocial intervention at trauma support services.

Samantala, nakatutok din si TINGOG Party-list Rep. Jude Acidre sa pagbibigay ng suporta sa mga biktima tulad sa kanilang pagpapagamot, follow-up treatment, transportasyon at iba pang pangangailangan.

Diin ni Acidre, ang mga paaralan ay dapat tiyaking ligtas sa lahat ng pagkakataon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng eskwelahan, magulang, barangay, pulis, lokal na pamahalaan at mental-health professionals.

Facebook Comments