
Papatawan ng hanggang 12 taon na pagkakakulong ang mga operator at driver ng mga ilegal na delivery service o colorum, habang P200-K hanggang P2-M naman ang multa sa bawat colorum vehicle na mapapatunayang lumabag din sa batas na nagbabawal sa dayuhang pagmamay-ari ng mga transport service.
Kasunod ito ng planong malawakang operasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB laban sa mga walang kaukulang permit, na nakatuon sa delivery service na katuwang ng mga online shopping platform, gaya ng Lazada at Shopee.
Ayon kay LTFRB Acting Chairman Atty. Greg Pua Jr., pinatitibay muna nila ang mga ebidensiyang legal, para matiyak na solid ang mga kasong isasampa at may mataas na posibilidad ng conviction.
Sa ngayon, pinag-iisa pa ng ahensya ang listahan ng mga delivery partner, ng hindi bababa sa limang sikat na online shopping platform, bago ilunsad ang malawakang crackdown.
Samantala, nangako naman si Pua na tutulungan nila ang mga operator na gawing legal ang kanilang operasyon imbes na magpatuloy sa paglabag sa batas.










