Friday, October 23, 2026

Scam hub center sa Subic, sinalakay ng NBI

Nabuwag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang umano’y scam hub sa Subic, Olongapo City, matapos ang operasyon noong Oktubre 22.

Aabot sa 200 Vietnamese nationals ang naabutan sa loob ng pasilidad habang nasamsam din ang mga computer, cellphone at iba’t ibang dokumentong ginagamit sa operasyon ng online scam.

Ayon sa NBI, isinagawa ang operasyon ng NBI-Pampanga District Office sa bisa ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 73 sa Olongapo City, kasunod ng isang buwang surveillance at intelligence operation.

Sa paunang imbestigasyon, lumabas na organisado ang operasyon ng scam hub at may 24-oras na shifting, hiwalay na payment desk para sa mga deposito at withdrawal, at paggamit ng iba’t ibang bank at e-wallet accounts sa paglipat ng pera.

Batay rin sa mga nakuhang rekord, may mga grupong nakatalaga upang targetin ang mga biktima sa Pilipinas, United Arab Emirates at Bangladesh.

Sinusuri ngayon ng NBI ang kalagayan ng lahat ng manggagawang naabutan upang matukoy kung sino ang posibleng biktima ng human trafficking.

Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Bureau of Immigration, Inter-Agency Council Against Trafficking at Embahada ng Vietnam para sa kanilang kapakanan, dokumentasyon at repatriation.

Inihahanda naman ng NBI ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga nasa likod ng operasyon dahil sa paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act, Cybercrime Prevention Act, Anti-Money Laundering Act at Anti-Trafficking in Persons Act.

Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, tututukan ng ahensya hindi lamang ang mga kagamitan kundi pati ang daloy ng pera at mga bank at e-wallet account na ginamit sa operasyon upang mapanagot ang lahat ng sangkot.

Facebook Comments