
Mariing kinondena ng mga dating miyembro ng Makabayan Bloc sa Kamara na sina former Representatives France Castro, Arlene Brosas at Raoul Manuel ang pagdawit sa kanila sa listahan ng mga pinadalhan ng maleta o paper bag na may lamang pera.
Kanilang iginiit na isang nakakahiyang kasinungalingan at walang batayan ang buong kwento na sila raw ay madalas nakikipagkita kay dating Congressman Zaldy Co at umaalis na may dalang mga paper bag.
Diin nina Castro, Brosas at Manuel makikita sa kanilang record sa loob man o sa labas ng kongreso na sila ay naglilingkod sa publiko ng may integridad at prinsipyo.
Ayon sa tatlong dating mambabatas, kailanman ay hindi maaring masangkot sa flood control scam ang Makabayan Bloc dahil hindi naman nag-nominate ng mga proyektong imprastraktura ang kanilang mga tanggapan at wala din silang allocables o insertions sa budget kaya malabong tumanggap sila ng anumang kickback.
Naniniwala sina Castro, Brosas at Manuel na ang pag-atake sa mga mambabatas at aktibistang bahagi ng impeachment ay isang sistematikong pagtatangka na gibain ang kredibilidad ng sinumang nangangahas na panagutin ang pamilyang Duterte.
Dagdag nila, kapansin pansin din ang timing ng pag-atake sa kanilang hanay na ginawa habang papalapit ang mga impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte at habang nagpapatuloy ang paglilitis ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.










