
Pinabulaana nina Senate Minority Leader Tito Sotto III at Senator Ping Lacson ang anila’y pilit na pagdawit sa kanila sa maanomalyang flood control projects.
Sa tinawag ng bagong mayorya na “bogus hearing”, tahasang sinabi ni Lacson na kasuklam-suklam si Senator Alan Peter Cayetano.
Sinabi ni Lacson na pagiging desperado na ang pagkaladkad sa kanyang pangalan pero wala namang maipakitang ebidensya maliban sa larawan na ginawan lamang ng pahiwatig ni Cayetano.
Sa ginanap na hearing kahapon ay ipinakita na sakay ng chopper sina Lacson at Cayetano at ang chopper ay iniuugnay na ginamit sa paghahatid ng mga maletang kickback.
Pero paliwanag ni Lacson, walang katotohanan ang pilit na nais ipahiwatig sa pagdinig laban s kanya dahil ang chopper ay air service company na Asian Aerospace na kinontrata nila noong 2022 election campaign at binayaran nila ito ng P11.031 million na makikita sa kanilang Statement of Contribution and Expenditures (SOCE).
Sinabi naman ni Sotto na hindi niya kikilalanin ang bogus na pagdinig sapagkat noon pa niya sinasabing hindi siya senador mula 2022 hanggang 2025.
Gayundin, ang executive assistant niya na umano’y tumanggap ng maleta ay noon pang 2015 pumanaw.
Dagdag ni Sotto, na kahit ano pang sabihin, halata namang bogus na imbestigasyon “in aid of destabilisation” ang nangyari.










