
Tiniyak ng National Electrification Administration (NEA) na walang magiging problema sa suplay ng kuryente sa mga paaralan sa pagbubukas ng klase ngayong araw.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni NEA Administrator Antonio Almeda na mahigpit ang koordinasyon ng kanilang ahensiya sa Department of Education (DepEd) at sa mga electric cooperative upang matiyak na tuloy-tuloy ang serbisyo ng kuryente sa mga eskwelahan.
Taun-taon aniyang nagsasagawa ang NEA ng mga hakbang sa paghahanda, kabilang ang mahigpit na monitoring at pagtiyak na maayos ang operasyon ng mga electric cooperative sa buong bansa.
Dagdag pa niya, wala silang namamataang major issue sa ngayon na maaaring makaapekto sa suplay ng kuryente sa mga paaralan, bagama’t nakaranas ng Yellow Alert sa Visayas dahil sa usapin ng power generation.
Binigyang-diin din ng opisyal na kabilang ang mga paaralan sa mga kritikal na lugar na prayoridad ng mga electric cooperative, kaya nakatutok ang mga ito sa pagpapanatili ng maayos at tuloy-tuloy na daloy ng kuryente sa panahon ng pasukan.










