Pinasisiyasat ni Senator Imee Marcos ang umano’y pangakong $10 million o humigit-kumulang ₱600 million na donasyon ng pamahalaan para sa World Health Organization (WHO).
Tinukoy ni Sen. Marcos ang ulat na ayon sa WHO, nag-co-host ang Pilipinas sa isang special event ng WHO Investment Round noong October 2024, kung saan naiulat ang naturang pangako ng bansa.
Sa Senate Resolution 418, pinadedetermina ng senadora ang legal na batayan ng donasyon, pinagkukunan ng pondo, gayundin ang pangangailangan para sa ganitong kalaking kontribusyon at kung ito ay naaayon sa mga batas, prayoridad at kapakanan ng bansa.
Kinuwestiyon ni Sen. Imee kung mas mahalaga bang ilaan sa WHO ang naturang halaga kaysa sa pagpapatayo at pagsasaayos ng mga ospital at iba pang health facilities sa bansa.
Binigyang-diin naman ni Senador Marcos na bagama’t mahalaga ang pakikipagtulungan sa mga pandaigdigang institusyon, dapat tiyakin na ang lahat ng malalaking financial commitments ay dumaraan sa tamang proseso at masusing pagsusuri bago aprubahan.
$10-M donasyong pangako ng bansa sa WHO, pinaiimbestigahan
Facebook Comments










