Monday, June 8, 2026

18 dating tauhan ni ex-Cong. Zaldy Co, posibleng hindi haharap sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee ngayong araw

Screenshot from Alan Peter Cayetano/YouTube

Inabisuhan ni Senate President Alan Peter Cayetano ang 18 ex-marines na hindi awtorisado ang pagdinig na gagawin ngayong araw tungkol sa maanomalyang flood control projects.

Tungkol ito sa itinakda ngayong umaga na pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa ilalim ng Gatchalian bloc na pinamumunuan ni Senator Erwin Tulfo.

Sa liham na ipinadala ni Cayetano kay Atty. Levito Baligod, legal counsel ng 18 testigo, nakasaad dito na hindi awtorisado ni Senator Pia Cayetano na Chairperson ng BRC o ni Senator Rodante Marcoleta, na chairman ng subcommittee, ang pagsisiyasat na gagawin ni Tulfo.

Iginiit pa ni Cayetano na tanging ang opisina lang nina Sen. Pia, Marcoleta at committee secretariat ang may authority na mag-isyu ng official notices at imbitasyon para sa pagdinig ng Blue Ribbon.

Binalaan at pinag-iingat din ng senador ang 18 resource persons na kung dadalo sa hindi awtorisadong pagdinig ngayong araw ay hindi nila magagarantiya ang proseso at proteksyon para sa mga ito.

Matatandaang humarap sa pagdinig ng BRC sa ilalim ng subcommittee ni Marcoleta noong nakaraang Huwebes ang 18 na mga nagpakilalang dating tauhan at bagmen ni dating Cong. Zaldy Co at idiniin ng mga ito sina dating Speaker Martin Romualdez at Pangulong Bongbong Marcos sa hinahatiran ng male-maletang kickback mula sa flood control projects at binanggit din sina Senate Minority Leader Tito Sotto III at Senator Erwin Tulfo sa mga hinatiran din ng maleta.

Facebook Comments