
Dumagsa sa Kamara ang mahigit 200 mga kabataan mula sa iba’t ibang student councils, campus publications, organisasyon, Sangguniang Kabataan ranks at mga youth sectoral groups tulad ng mga young farmers, young workers, at young women.
Dumalo sila sa ikinasang “impeachment forum” na bahagi ng selebrasyon ng ika-25 anibersaryo ng Kabataan Party-list kung saan tinalakay ang mga usapin hinggil sa edukasyon, korapsyon at pananagutan kasama ang impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Nanguna sa aktibidad si Assistant Minority Floor Leader at Kabataan Partylist Representative Renee Co habang dumalo din sina Lead Impeachment Prosecutor Rep. Gerville Luistro at Prosecutor Rep. Terry Ridon.
Binigyang-diin ni Luistro sa mga kabataan na ang impeachment ay isa sa accountability mechanisms laban sa isang impeachable official.
Inilatag din ni Luistro ang proseso ng impeachment mula sa mga pagdinig ng House Committee on Justice kung saan tinutukoy ang sufficiency in form, substance, grounds at probable cause ng mga impeachment complaints laban kay VP Duterte.
Bago ang forum ay naghain din si Co, kasama ang mga youth leaders, ng apat na House Bills at walong House Resolutions na pawang makakatulong sa sektor ng mga Kabataang Pilipino.










