Dahil sa pagtaas ng tubig-baha at malalakas na pag-ulan na dulot ng Habagat, sunod-sunod ang pagkansela ng face-to-face classes sa ilang lugar.
Dahil dito, nahihirapan ang mga estudyante na makasabay sa kanilang mga aralin at matapos ang mga kinakailangang gawain sa takdang oras.
Gaya na lamang ni Arlyn Perez, isang estudyante, na aminadong nangangapa sa kanilang mga lesson.
Bagama’t may mga alternatibong learning system gaya ng online classes, aminado siyang nahihirapan pa rin siya, lalo na kapag mahina ang signal na dulot ng malakas na pag-ulan.
Dagdag pa ni Arlyn, malaking hamon din para sa kanya ang mga recorded video lessons na ibinibigay ng kanilang mga guro, lalo na’t kinakailangan sa kanilang kurso sa Nursing ang aktuwal na aplikasyon ng mga natututunan.
Sa ngayon, nagbibigay naman ng anunsyo at advisory ang mga local government units at pamunuan ng mga paaralan sakaling magpatupad ng Face-to-face o modular learning sa oras na makaranas muli ng masamang panahon, pagbagyo o kaya naman epekto ng habagat. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








