POSIBLENG PANGANIB NG KURYENTE SA PANAHON NG BAHA, BINIGYANG-DIIN

Patuloy pa rin ang pagtaas ng tubig-baha sa ilang bahagi ng Pangasinan, dahilan upang magpatuloy ang paglikas ng mga residenteng nasa mga lugar na apektado ng pagbaha.

‎Kaugnay nito, naglabas ng mga paalala ang ilang Barangay Council sa kanilang mga social media page upang maging mas maingat ang mga residente, partikular sa paggamit ng kuryente habang tumataas ang tubig-baha.


‎Kabilang sa kanilang paalala ang pagpatay ng kuryente sa main breaker ng mga tahanan, lalo na kung may posibilidad na pasukin ng tubig-baha ang bahay.

‎Mahigpit ding ipinagbabawal ang paghawak sa mga electrical outlet, appliances, switch, at iba pang kawad kung basa ang paligid upang maiwasan ang aksidente at posibleng pagkakuryente.


‎Pinapayuhan din ang mga residenteng kinakailangang lumikas na tiyaking ligtas ang kanilang mga tahanan bago umalis at maging mapagmatyag sa anumang posibleng panganib na maaaring idulot ng baha.

‎Nagbigay rin ng karagdagang paalala si Vincent Chiu, Operations Head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), hinggil sa tamang pagpatay ng main breaker sakaling magkaroon ng pagbaha sa isang tahanan.


‎Samantala, muling hinihikayat ang publiko na unahin ang kaligtasan ng bawat miyembro ng pamilya, lalo na sa mga lugar na patuloy na nakararanas ng pagtaas ng tubig-baha.


‎Patuloy na pinaaalalahanan ang mga residente na makinig sa mga abiso ng mga lokal na awtoridad at agad na lumikas kung kinakailangan upang maiwasan ang anumang insidente sa gitna ng nagpapatuloy na kalamidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments