Edukasyon ang isa sa pinakamahalagang pundasyon sa paghubog ng kaalaman, talento, at kakayahan ng mga Pilipino. Ngunit sa kabila ng mga reporma sa sektor, nananatiling malaking tanong kung sapat ba ang mga pasilidad, kakayahan ng mga guro, at suportang ibinibigay sa mga mag-aaral upang lubos nilang maunawaan ang itinakdang kurikulum.
Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Dr. Karol Mark Yee, Executive Director ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), binigyang-diin niya ang mga kakulangan sa sistema ng edukasyon na kinakailangang agarang matugunan.
Ayon kay Yee, mahalagang paigtingin ang pagtuturo sa mga mag-aaral, lalo na sa mga may special educational needs. Aniya, kung kinakailangan ang one-on-one teaching upang mas matulungan ang mga ito, nararapat lamang na mabigyan ito ng sapat na atensyon at suporta.
Samantala, ibinahagi rin ng ilang estudyante na nahihirapan silang makasabay sa kasalukuyang kurikulum. Ayon sa kanila, madalas nilang namememorya ang mga aralin, ngunit dahil sa dami at bilis ng pagtalakay sa mga leksiyon, hindi nila ito lubos na nauunawaan at agad ding nakakalimutan dahil hindi nila namamaster ang mga konseptong kanilang pinag-aaralan.
Binigyang-diin din ni Yee ang kahalagahan ng patuloy na teacher training upang higit pang mapahusay ang kakayahan ng mga guro. Aniya, ang mga guro ang pangunahing puhunan ng bansa sa edukasyon dahil sila ang humuhubog sa kaalaman at kinabukasan ng libo-libong mag-aaral.
Sa usapin naman ng digitalisasyon, nagsimula nang maglagay ang lokal na pamahalaan ng Dagupan City, gayundin ang iba pang lokal na pamahalaan, ng mga Smart TV sa mga silid-aralan upang maging mas makabago at mas epektibo ang paraan ng pagtuturo.
Ayon naman kay Danilo S. Eden, Assistant Principal ng Mangaldan National High School (MNHS), isa sa mga pangunahing pangangailangan ng kanilang paaralan ay ang dagdag na bilang ng mga security guard upang higit na mapalakas ang seguridad ng mga estudyante at kawani.
Lalong naging mahalaga ang usapin ng seguridad sa mga paaralan dahil sa mga nagdaang online threats, bomb threats, at banta ng active shooting. Kamakailan lamang ay nagsuspinde ng klase ang Schools Division Office ng Dagupan City matapos makatanggap ng umano’y online threat laban sa ilang paaralan.
Bukod sa seguridad, inilahad din ng mga estudyante ang kakulangan sa mga pasilidad ng ilang pampublikong paaralan. Kabilang sa kanilang mga hinaing ang mga silid-aralang binabaha, sirang palikuran, mga upuang hindi na maayos gamitin, at kakulangan ng mga electric fan sa gitna ng matinding init at siksikang mga klase.
Isa sa kanilang pangunahing hiling na marinig sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ay ang mas malaking suporta para sa sektor ng edukasyon, partikular sa mga pampublikong paaralan.
Kabilang dito ang pagpapabuti ng mga pasilidad, mas maayos na pagpapatupad ng kurikulum, at sapat na suplay ng mga aklat.
Sa kabila ng mga inisyatibang isinasagawa ng pamahalaan, nananatili umanong hamon ang pagbibigay ng dekalidad, ligtas, at inklusibong edukasyon para sa bawat kabataang Pilipino. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







