MGA PROYEKTONG PANG-IMPRASTRAKTURA SA PANGASINAN, TULOY SAKABILA NG MGA HAMON; USAPIN SA FLOOD CONTROL AT MGA NATENGGANG PROYEKTO, NAISMARINIG SA SONA NG PANGULO‎‎

Habang patuloy na pinag-uusapan sa bansa ang mga usapin kaugnay ng flood control projects, mga umano’y ghost projects, at mga imprastrakturang hindi pa natatapos, mas pinaigting ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagbabantay at pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura.

‎Ano na nga ba ang mga proyektong imprastrakturang naumpisahan at naisagawa ng pamahalaan partikular dito sa Pangasinan. Sapat na ba ang mga proyektong ito upang maibsan ang problema sa pagbaha at mas matibay na ba ang mga ito sa oras ng sakuna? Pagpapabuti sa mga pasilidad at transportasyon— kumusta na rin kaya ang mga proyektong natengga at ngayo’y ipinagpapatuloy?


‎Isa sa mga agarang natugunan ng pamahalaan ang sitwasyon sa Barangay San Juan, Agno kung saan natapos na ang temporary steel bridge na pumalit sa hanging bridge na winasak ng Bagyong Emong. Ayon sa mga residente, malaking ginhawa ang pansamantalang tulay dahil mas naging ligtas ang pagtawid ng mga estudyante at mas madali na ring naihahatid ang kanilang mga produkto at kabuhayan.


‎Sa inspeksyon ni DPWH Secretary Vince Dizon, tiniyak nitong ligtas nang magagamit ang tulay habang inihahanda ang konstruksyon ng isang permanenteng konkretong tulay na maaari nang daanan ng mas malalaking sasakyan.

‎Sa Bayambang naman, target na mabuksan sa Setyembre ang temporary Wawa Bridge upang mabawasan ang abala sa mga motorista habang isinasagawa ang permanenteng Wawa Bridge. Matatandaang nagpahayag ng pagkadismaya ang lokal na pamahalaan sa mabagal na progreso ng proyekto at hiniling sa DPWH ang agarang aksyon.


‎Ayon sa mga inhinyero, ang pansamantalang tulay ay maaaring daanan ng mga sasakyang may bigat na hanggang walong tonelada, kabilang ang mga pampasaherong bus.

‎Naisagawa rin ang rehabilitasyon ng nagviral na road project sa Arzadon Road sa Barangay Mayombo, Dagupan City matapos ang matagal nang reklamo ng mga residente hinggil sa pagbaha sa lugar. Sa pagbisita ni Secretary Dizon kasama si Mayor Belen Fernandez, binigyang-diin ang kahalagahan ng pakikilahok ng publiko sa pagtukoy ng mga imprastrakturang nangangailangan ng agarang aksyon.


‎Inaasahang makatutulong ang proyekto sa pagpapabuti ng daloy ng trapiko at pagbawas ng pagbaha sa lugar.

‎Samantala, umaasa ang mga residente ng Villasis na tuluyan nang matatapos ang Villasis–Sto. Tomas Bridge na sinimulan pa noong 2018 ngunit nananatiling hindi pa kumpleto hanggang sa kasalukuyan.


‎Habang ginagamit pa rin ang pansamantalang tulay, sinabi ni Secretary Dizon na prayoridad ng DPWH ang pagtatapos ng mga matagal nang natenggang proyekto upang ganap na mapakinabangan ng publiko.

‎Sa Barangay Tobuan, Labrador, nagpapatuloy naman ang rehabilitasyon ng Pangasinan-Zambales Road na nagdudulot ng mabigat na daloy ng trapiko. Bagama’t higit sa P18 milyon ang inilaan para sa proyekto na nakatakda sanang matapos noong 2025, tinatapos pa rin ito sa kasalukuyan.

‎Patuloy rin ang redevelopment ng Pangasinan Provincial Capitol Complex sa Lingayen. Ayon sa pamahalaang panlalawigan, kabilang sa mga isinasagawang proyekto ang pagpapalawak ng mga kalsada, pagpapaganda ng drainage system, pagpapahusay ng traffic management at climate-resilient infrastructure upang maiwasan ang pagbaha tulad ng naranasan noong nakaraang taon.

‎Kaugnay naman ng pagbaha, nagsagawa ng pagpupulong ang lokal na pamahalaan ng San Jacinto at DPWH bilang bahagi ng “Oplan Kontra Baha.” Tinalakay rito ang kakulangan sa flood control infrastructure at mga pangmatagalang solusyon upang mabawasan ang pinsalang dulot ng pagbaha sa mga barangay.

‎Patuloy rin ang paghahanda para sa TPLEX Extension Project, isang 59.4-kilometrong pagpapalawig ng expressway mula Rosario hanggang San Juan, La Union sa ilalim ng Public-Private Partnership program ng pamahalaan.

Sa kasalukuyan ay isinasagawa ang detalyadong engineering design at right-of-way acquisition. Kapag natapos ang proyekto, inaasahang mababawasan ang biyahe mula Rosario hanggang San Juan mula isa’t kalahating oras tungo sa humigit-kumulang 40 minuto, na magpapabilis sa transportasyon, kalakalan at turismo sa hilagang Luzon.

‎Sa gitna ng mga usapin hinggil sa mga hindi natatapos na proyekto at kontrobersiya sa ilang flood control initiatives, patuloy na hinihiling ng mga mamamayan ang mas mabilis, mas matibay, at mas transparent na pagpapatupad ng mga imprastraktura.

‎Inaasahan ding magiging isa ito sa mga pangunahing paksang tatalakayin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA), kung saan umaasa ang publiko na maririnig ang mga konkretong hakbang upang mapabilis ang pagkumpleto ng mga natenggang proyekto, mapalakas ang flood control systems, at higit na mapabuti ang imprastraktura sa buong bansa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments