Pinayuhan ang mga motorista at mga bibisita sa mga sementeryo sa Mangaldan, Pangasinan, na sundin ang itinakdang mga ruta, drop-off point at paradahan sa Nobyembre 1 at 2 bilang paghahanda sa Undas 2026.
Bahagi ito ng traffic management plan ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng Executive Order No. 2026-077 na nilagdaan ni Mayor Bona Fe de Vera-Parayno noong Oktubre 22.
Itatalaga ang Guilig Access Road, malapit sa slaughterhouse, bilang pasukan ng mga sasakyan, habang ang Magno Street ay para lamang sa mga papasok na sasakyan.
Mananatili namang two-way ang Bari Diversion Road, malapit sa Centro Parts, J.I. De Guzman Street, at P. De Guzman Street.
Para sa mga labasan, ang mga sasakyang patungong Malabago ay dadaan sa Tony’s Lumber sa Malabago; patungong Salay sa PNR West, Salay; at patungong Lanas sa National Road, Salay.
Ilalaan naman ang Jimenez Street, sa gilid ng Rural Bank of Mangaldan, para lamang sa mga naglalakad at ipagbabawal dito ang pagpasok ng anumang sasakyan.
Itatalaga rin bilang drop-off point ang harap ng Mangaldan National High School at ang kanto ng P. De Guzman Street at Presto Street.
Maaari namang gamitin bilang paradahan ang St. Thomas Aquinas Parish Grounds, Mangaldan National High School Quadrangle, at Mangaldan Municipal Hall Grounds.
Layunin ng mga hakbang na ito na mapanatili ang kaayusan ng trapiko at matiyak ang kaligtasan ng mga taong dadalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Hinikayat ang publiko na planuhin ang biyahe at sumunod sa mga karatula at tagubilin ng mga awtoridad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







