Inilunsad sa Salisay Elementary School, Dagupan City ang programang Bakuna Eskwela kung saan nakinabang ang mga estudyante sa libreng pagbabakuna laban sa tigdas at rubella.
Alinsunod ito sa programa ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan, Department of Health o DOH at Department of Education o DepEd.
Nakatanggap ng Measles-Rubella (MR) vaccine ang mga mag-aaral sa Grade 1 at Grade 7, habang naipamahagi rin ang Tetanus-Diphtheria (Td) vaccine para sa parehong baitang at Human Papillomavirus (HPV) vaccine para sa mga babaeng mag-aaral sa Grade 4.
Ayon kay Councilor Jalice Cayabyab-Lalas, maaaring maiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna ang ilang sakit na walang partikular na lunas.
Hinikayat niya ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.
Nakinabang din ang mga bata sa libreng pagsusuri sa mata at serbisyong dental, kabilang ang libreng salamin, paglilinis at pasta ng ngipin, pagbunot, dental check-up at fluoride application. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








