
Muling nagpapa-alala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato hinggil sa mga patakaran ng paglalagay o pagkakabit ng mga campaign poster.
Ito’y kasunod ng mga nakuha nilang mga poster matapos ikasa ang Oplan Baklas ngayong araw kasabay ng pagsisimula ng kampaniya sa national position sa 2025 Midterm Elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, papadalhan nila ng notice ang mga kandidato na may-ari ng campaign posters kung saan bibigyan sila ng tatlong araw para sila na ang magbaklas nito.
Sakaling hindi naman sumunod ay kakasuhan ang kandidato ng election offense at posibleng madiskwalipika sa halalan kaya’t hinihikayat nila ang iba na magkusa na sa pagbabaklas ng campaign posters sa ipinagbabawal na lugar.
Ang mga poster naman ng local candidates ay hindi muna babaklasin kung saan ang mga pribadong indibidwal na nagkabit nito sa kanilang nasasakupan ay hindi papakiaalaman ng Comelec maging ng task force na binuo nito.
Bukod sa Maynila, sinimulan na rin ng Comelec ang Oplan Baklas sa iba’t ibang lungsod at lalawigan.