
Iginiit ng mga lider at miyembro ng Kamara na malinaw na pagbabanta at hindi pagsusulong ng kapayapaan ang pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan na kung gagamit ng pwersa ang China sa West Philippine Sea (WPS) ay tiyak itong magwawagi pero mas pinipili nito ang kapayapaan.
Ayon kay House Deputy Speaker at Lanao Del Sur Representative Paolo Ortega V, hindi maituturing na pagsusulong ng kapayapaan kapag inihayag ng isang malaking bansa na kaya nitong talunin ang isang maliit na bansa.
Giit naman ni House Deputy Speaker at Zambales Rep. Jefferson Khonghun, ang pagtataguyod ng kapayapaan ay nakasandig sa pagkakaroon ng respeto sa isa’t isa ng bawat bansa at pagsunod sa pandaigdigang mga batas na taliwas sa mga ginagawa ng China na paninindak, pagbomba ng tubig at pagharang sa ating mga barko.
Sabi naman ni Manila Rep. Ernix Dionisio, ang pahayag ng Chinese Ambassador ay nagpapakita na iba ang sinasabi ng China sa totoong ginagawa nito tulad ng panggigipit sa ating mga Pilipinong mangingisda at hindi pagkilala sa 2016 Arbitral Ruling na pabor sa Pilipinas.
Paliwanag naman ni Lanao Del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, hindi sukatan ang gera o karahasan ng tunay na kapayapaan dahil para sa Pilipino ang tunay na kapayapaan ay nasusukat sa pag-iral ng hustisya, seguridad sa ating mga mangingisda at pagkilala sa ating karapatan sa sarili nating karagatan.










