
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbuo ng malinaw na sistema sa pag-uulat at agarang pagtugon sa mga insidente ng bullying, karahasan at emergency sa mga paaralan.
Tinalakay ang direktiba sa Joint National and Regional Peace and Order Council Meeting na pinangunahan ng Pangulo sa Malacañang.
Layunin nitong matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at maprotektahan sila laban sa anumang uri ng karahasan at banta sa loob ng paaralan.
Inatasan din ni PBBM ang mga kinauukulang ahensiya na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang mas higpitan ang seguridad sa mga paaralan.
Kasabay nito, ipinag-aral ng Pangulo ang mga regulasyong ipinatutupad ng ibang bansa sa paggamit ng social media ng mga kabataan upang matukoy ang mga posibleng hakbang na maaaring iangkop sa bansa.










