
Nanawagan ang mga municipal official kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na isama ang Local Government Units (LGUs) bilang pangunahing batayan sa pag-evaluate sa mga miyembro ng gabinete.
Pahayag ito ni Abra Representative-elect JB Bernos na siyang National President ng League of Municipalities of the Philippines kasunod ng atas ni PBBM sa mga miyembro ng kanyang gabinete na magsumite ng courtesy resignation.
Ayon kay Bernos kailangang maikonsidera ni Pangulong Marcos ang naging suporta o kolaborasyon ng bawat ahensya ng gobyerno sa mga lokal na pamahalaan sa nagdaang tatlong taon.
Paliwanag ni Bernos, ang national-local partnership ang nagpapalakas sa pamamahala sa buong bansa kaya dapat manatili sa pwesto ang sinumang naglingkod ng sapat katuwang ang mga lokal na pamahalan.
Ipinunto ni Bernos na hindi makakapaglatag ng makabuluhang polisiya ang pamahalaan kung walang alam ang mga opisyal ng gabinete sa mga pangangailangan ng mamamayan na sakop ng bawat lokal na pamahalaan.