PNP, pinaigting ang presensya para sa ligtas na komunidad

Mas pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang presensya sa mga kalsada at komunidad sa buong bansa.

Ayon kay PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, inatasan nya ang lahat ng unit na paigtingin ang foot at mobile patrols, lalo na sa matataong lugar gaya ng mga terminal, palengke, mall, at mga pasyalan.

Sinabi ni Marbil na bilang bahagi pa rin ng Oplan SUMVAC (Summer Vacation) 2025, nasa 69,657 na mga pulis ang nakatalaga sa mga Police Assistance Desk, Tourist Assistance Center, at iba pang pampublikong lugar.

Maliban dito, aktibo din aniyang kasama sa pagpapatrolya ang mga barangay tanod at miyembro ng civic volunteer organizations bilang force multipliers.

Samantala, kamakailan ay nagsagawa rin ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng dalawang araw na surprise inspection sa limang distrito para masiguro ang kahandaan ng mga pulis sa field.

Isinabay din dito ang Surprise Red Teaming Operations para tiyaking naroroon ang mga naka-duty, sumusunod sa protocol, at handang rumesponde sa anumang oras.

Giit ni Marbil ang kampanyang ito ay bahagi ng mas malawak na plano ng PNP para mapalapit ang serbisyo ng pulis sa mamamayan.

Facebook Comments