Mga lokal na pamahalaan, may gagampanang papel sa oplan pag-abot ng DSWD

Kakailanganin ang tulong ng mga lokal na pamahalaan sa inilunsad na oplan pag-abot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito ay ang pamamahagi ng tulong sa mga Pilipinong walang permanenteng tirahan o mga naninirahan lamang sa mga kalye.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DSWD Spokesperson Asec. Rommel Lopez na sa sandaling maisyuhan nila ng identification cards o ID ang mga nasa kalye, ang Local Government Units (LGUs) ang katuwang nilang magmo-monitor at magsasagawa ng evaluation sa mga ito.


Layunin nitong makita kung epektibo ba ang programa, at may progreso sa mga indibidwal o pamilyang binibigyan ng tulong.

Sinabi pa ni Lopez, sa mga taga Metro Manila, pansamantalang bibigyan ng temporary shelter ang mga ito habang mabibigyan rin ng karampatang tulong.

Sa mga narito sa Metro Manila pero mayroon namang mga probinsiyang uuwian, tutulungan ang mga ito na makauwi na lamang sila ng lalawigan para roon na manirahan at makapagsimula muli ng pamumuhay sa pamamagitan ng ipagkakaloob ng panimulang pangkabuhayan.

Ayon kay Lopez, kapag nabigyan na ng tulong ang mga pamilyang ito at namo-monitor namang umaayos ang kanilang kalagayan, walang dahilan para bumalik pa sila sa mga kalye.

Facebook Comments