
Muling nagkasa ng anti-smuggling drive ang Bureau of Customs (BOC) sa pangunguna ng Customs Intelligence and Investigation Service – Manila International Container Port (CIIS-MICP).
Nadiskubre dito ang mas maraming high-end luxury vehicles kung saan ayon kay CIIS – MICP Director Verne Enciso, nakapasok ito sa bansa ng hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Kabilang sa mga nadiskubre ng grupo ni Enciso ang ang Rolls Royce Cullinan, Lamborghini, Ferrari, Maserati Levante, Mercedes, Porsche at iba pa sa loob mg Auto Vault Speed Shop sa Brgy. Ususan, Taguig City.
Sinabi pa ni Enciso, halos dalawang linggo ang kanilang ginugol sa surveillance na nagresulta sa pagkakatuklas ng 44 na mga mamahaling sasakyan.
Tinatayang aabot sa ₱900 milyon ang halaga ng mga sasakyang na natagpuan habang binigyan ng 15 araw na palugid ang may-ari na makapag-sumite ng mga dokumento at mga binayarang duties and taxes.
Ito naman ang ika-apat na operasyon nina Enciso kung saan nauna silang nagkasa ng raid sa mga warehouse sa Parañaque City, Pasay City, at Makati City na nagbebenta ng mga imported luxury vehicles.