PCG at BFAR, muling nagpatrolya sa himpapawid sa bahagi ng WPS

Muling nagsagawa ng maritime domain awareness flight ang Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa bahagi ng Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea.

Tugon ito sa mga agresibo at delikadong mga hakbang ng People’s Liberation Army (PLA) Navy sa loob mismo ng teritoryo ng Pilipinas.

Ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG sa West Philippine Sea, layon nitong igiit ang soberenya ng Pilipinas sa mga inaangking teritoryo ng China.

Sa isinagawang operasyon ng dalawang aircraft, anim na Chinese maritime militia vessels ang nakita sa bahagi ng Rozul Reef.

Bukod pa ito sa China Coast Guard vessel na may bow number na 5101 at mahigit 50 Chinese maritime militia vessels sa bahagi naman ng Pag-asa Island.

Patuloy naman ang pag-radyo ng BFAR aircraft sa mga ito para igiit na iligal ang kanilang pananatili sa naturang bahagi ng karagatan.

Hindi anila patitinag ang BFAR at PCG sa pagbabantay sa mga teritoryo ng Pilipinas sa kabila ng mga unprofessional at delikadong mga hakbang na ginagawa ng pwersa ng China.

Facebook Comments