Hindi lamang pagpapataas ng produksyon ang tinututukan ngayon sa sektor ng sibuyas sa Ilocos Norte, kundi ang pagtiyak na ligtas, dekalidad at pasado sa pamantayan ng merkado ang mga produktong nagmumula sa mga magsasaka.
Kaugnay nito, sumailalim sa tatlong araw na training sa Philippine Good Agricultural Practices o PhilGAP Certification Program ang 65 onion growers mula sa Bacarra Multi-Purpose Cooperative noong Setyembre 28 hanggang 30 sa Laoag City.
Pinangunahan ito ng Philippine Rural Development Project ng Department of Agriculture-Region 1, sa ilalim ng I-REAP component, kasama ang mga agricultural extension workers at mga katuwang mula sa Provincial at Local Government Units.
Layunin ng pagsasanay na maiayon ang mga pamamaraan ng mga magsasaka sa Philippine National Standard Code of Good Agricultural Practices for Fruits and Vegetables, alinsunod sa Food Safety Act of 2013 o Republic Act 10611.
Kabilang sa mga itinuro ang tamang pagsusuri sa kasaysayan ng taniman, pangangalaga sa lupa at tubig, responsableng paggamit ng abono at pesticides, gayundin ang sanitary harvesting at crop protection.
Ayon kay Mery Joyce Aglibao, Agriculturist II ng DA Region 1, mahalaga ang pagsunod sa Good Agricultural Practices dahil hindi lamang nito pinapangalagaan ang kaligtasan ng produkto, kundi nagbibigay din ito ng mas malaking oportunidad para makapasok ang mga magsasaka sa mas magandang merkado.
Sa pamamagitan ng PhilGAP, target ng DA-PRDP na maparami ang certified onion farms sa Region 1, habang mapalakas ang kakayahan ng mga lokal na magsasaka na makapaghatid ng ligtas at dekalidad na sibuyas sa mga mamimili. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










