Mga malalaking artista, sumama na sa pag-house-to-house campaign para kay VP Leni

144

Nagviral sa social media ang talumpati ni Megastar Sharon Cuneta sa Laguna people’s rally kamakailan kung saan inendorso niya si Vice President Leni Robredo bilang susunod na pangulo ng bansa.

Nanawagan si Sharon sa publiko na ibalik ang disenteng pamamahala, at mga namumuno ng may pagmamahal at hindi pang-aapi o pananakot sa pamamagitan ng pagboto kay Robredo sa Mayo a-nuwebe.

Ibinida pa ni Sharon na si Robredo ang kilala niyang pinakamatatag na babae na sa kabila ng pagkaka-byuda ay matagumpay na napalaki ang tatlong anak na babae at nakapagsilbi sa bayan nang walang korapsyon o eskandalo.


Si Sharon ay asawa ng running mate ni Robredo na si Senador Kiko Pangilinan, na magiliw din niyang inendorso.

Sa Metro Manila, kanya-kanya na ang mga artista sa pag-iikot sa mga bahay-bahay para ikampanya si Robredo gaya nina Jake Ejercito, Angel Locsin, Kuh Ledesma, Maris Racal, Marjorie Barretto, Janine Gutierrez, Edu Manzano, Cherry Pie Picache, at ang bagong kinagigiliwang loveteam nina Donny Pangilinan at Belle Mariano na mas kilala sa tawag na DonBelle.

Ngayong isang linggo na lang bago ang halalan, Nanawagan si Robredo sa mga tagasuporta na huwag mapapagod mangumbinsi ng ibang kakilala para ipaglaban ang pagkakaroon ng gobyernong matino, tapat at mahusay.



Facebook Comments