MGA MANLALAKO NG KANDILA SA DAGUPAN CITY, HIRAP SA MATAMLAY NA BENTAHAN AT PAGTAAS NG PRESYOBAGO ANG UNDAS

Hirap ngayon ang mga Manlalako ng kandila dito sa Dagupan City dahil sa umano’y nag-mahal at matumal ang kanilang bentahan.

Ayon kay Evelyn Cativog, manlalako ng kandila sa tabi ng Roman Catholic Cemetery, kapansin-pansin ang paghina ng kanilang bentahan ngayong taon kumpara noong nakaraang Undas.

Aniya, noong Oktubre pa lamang noong nakaraang taon ay marami na ang bumibili ng kandila, kaya naman bultuhan din silang kumukuha ng supply mula sa kanilang mga supplier. Ngayon, kakaunti pa lamang umano ang kanilang naibebenta.

Isa rin sa mga hamon na kinakaharap ng mga manlalako ang pagtaas ng presyo ng kandila, na nagresulta rin sa pagtaas ng presyo ng kanilang mga paninda.

Sa kabila nito, umaasa na lamang umano sila sa kanilang mga suking mamimili na patuloy na bumibili sa kanila sa loob ng maraming taon. Sa mga ito na rin nila nababawi ang kanilang puhunan.

Dahil sa pangambang hindi maubos ang kanilang paninda bunsod ng matamlay na bentahan, nabawasan na rin umano ang dami ng kandilang kinukuha nila sa kanilang mga supplier.

Umaasa naman ang mga manlalako na muling sisigla ang bentahan habang papalapit ang Undas upang kahit papaano ay mabawi nila ang kanilang puhunan at kumita sa kanilang pagtitinda. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments