Nasabat ng mga awtoridad ang walong kahon ng hinihinalang hindi nabuwisang sigarilyo na nagkakahalaga ng tinatayang ₱280,000 sa isinagawang checkpoint operation sa Barangay Coliling, San Carlos City, Pangasinan.
Isinagawa ang operasyon ng magkasanib na puwersa ng Regional Intelligence Division ng PRO-1, PIU Pangasinan Police Provincial Office, at San Carlos City Police Station bilang lead unit, sa ilalim ng pangunguna ni Police Lieutenant Colonel Lawrence Keith D. Calub, Officer in Charge.
Naaresto sa operasyon ang isang lalaking residente ng Barangay Magtaking, San Carlos City, matapos umanong tangkaing umiwas sa checkpoint habang minamaneho ang isang kulong-kulong.
Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ng mga operatiba ang walong kahon ng Blackhawk cigarettes na naglalaman ng kabuuang apat naraang ream ng sigarilyo.
Batay sa paunang beripikasyon, walang nakikitang tax stamp ng Bureau of Internal Revenue o BIR ang mga nasabing sigarilyo. Hindi rin umano naipakita ng suspek ang mga kinakailangang dokumento na magpapatunay sa legal na pagmamay-ari at transportasyon ng mga produkto.
Minarkahan, inimbentaryo, at kinunan ng larawan ang mga nakumpiskang sigarilyo sa lugar ng pagkakaaresto, sa presensya ng suspek at isang Barangay Kagawad bilang saksi.
Samantala, tiniyak ng San Carlos City Police Station ang patuloy na pagsasagawa ng mga operasyon laban sa ilegal nakalakalan, bilang bahagi ng kanilang pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










