Pinaiigting ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO ang mga paghahanda sa inaasahang epekto ng El Niño, partikular sa suplay ng tubig at irigasyon na mahalaga sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay Ret. Col. Rhodyn Luchinvar O. Oro, hepe ng PDRRMO, nakasaad sa PDRRMC Memorandum No. 5, series of 2026, na inilabas noong Mayo 22, ang mga hakbang na kailangang isagawa ng mga lokal na disaster risk reduction and management council bilang paghahanda sa nasabing weather phenomenon.
Kabilang sa mga hakbang ang pagrepaso at pag-update ng mga contingency plan, pagpapalawak ng information campaign, pagtitipid sa tubig, at paghahanda sa mga posibleng epekto nito sa kalusugan, emergency response at pag-iwas sa sunog.
Samantala, pinag-aaralan na ng National Irrigation Administration o NIA ang pagpapatupad ng water rotation at mas maayos na distribusyon ng irigasyon upang matiyak ang sapat na suplay ng tubig.
Batay sa datos noong Oktubre 19, nasa 223.21 meters above sea level ang water level ng San Roque Dam, na inaasahang makatutulong sa suplay ng irigasyon hanggang sa ikalawang quarter ng susunod na taon.
Gayunman, nananatiling hamon ang pag-abot ng tubig sa mga dulong bahagi ng mga kanal ng irigasyon.
Dahil dito, nakatakdang magsagawa ng inter-agency meeting upang talakayin ang mga posibleng alternatibong paraan ng patubig bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng El Niño. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










