Wednesday, April 29, 2026

Petisyon para gawing P1,200 ang minimum wage sa Metro Manila, inihain ng grupo ng mga manggagawa

Dalawang araw bago ang paggunita sa Labor Day, naghain ng petisyon ang isang grupo ng mga manggagawa para hilingin na itaas ang minimum wage sa Metro Manila.

Ayon sa grupong BPO Industry Employees Network (BIEN), inihain nila ang petisyon sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board – NCR para hilingin na itakda sa P1,200 ang minimum na sahod.

Kulang na kulang anila ang P695 na minimum wage kumpara sa P1,266 na kinakailangan kada araw ng pamilyang may limang miyembro para makapamuhay ng disente.

Kabilang sa ipinunto ng grupo ang pagtaas ng inflation o bilis ng pagmahal ng bilihin at serbisyo at paghina ng halaga ng piso.

Bagama’t malaki din anila ang nagiging kontribusyon ng mga BPO workers ay may mga miyembro rin silang nasa P15,000 lamang ang kinikita kada buwan.

Sabi ni BIEN National President Mylene Cabalona, patuloy silang maghahain ng mga petisyon at ipapanawagan ang pagpasa ng mga panukalang batas para sa mga manggagawa

Hinimok din niya ang publiko na lumahok sa isasagawang mga kilos-protesta sa May 1 bilang bahagi ng kanilang panawagan para sa nakabuhuhay na sahod.

Facebook Comments