Saturday, July 25, 2026

PNP, nanawagan sa mga organizer ng rally na pangalagaan ang kanilang hanay laban sa mga manunulsol ng kaguluhan

Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa mga organizer ng mga rally na pangalagaan ang kanilang hanay sa pamamagitan ng pagpigil sa mga mapanulsol na maaaring manggulo sa mapayapang mga demonstrasyon sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes, July 27.

Ang panawagang ito ay kasunod ng pag-apruba sa rally permit ng 3 grupo sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., walang matinong organizer ng rally ang magpaplanong gawing marahas ang kanilang demonstrasyon at ilagay sa panganib ang kaligtasan ng kanilang mga kasamahan.

Dagdag pa nito, tungkulin ng lahat na tiyaking mananatiling mapayapa ang mga legal na pagtitipon mula simula hanggang matapos.

Tiniyak naman ni Nartatez na nakahanda na ang mahigit 21 libong pwersa ng pulisya para tumiyak ng seguridad sa nasabing aktibidad at inatasan ang mga ito na pairalin ang maximum tolerance sa lahat ng pagkakataon.

Facebook Comments