
Target ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang suplay ng kuryente sa bansa sa pamamagitan ng mas malaking paggamit ng renewable energy.
Sa ika-25 anibersaryo ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), sinabi nitong 25% na ng suplay ng kuryente sa Pilipinas ang nagmumula sa renewable energy tulad ng solar, wind, hydro, at geothermal.
Layunin ng pamahalaan na itaas ito sa 35% pagsapit ng 2030 at 50% bago matapos ang 2040 upang matiyak ang mas matatag, sapat, at pangmatagalang suplay ng kuryente.
Aminado rin ang pangulo na nananatiling hamon ang mataas na presyo ng kuryente.
Dahil dito, patuloy aniyang isusulong ng pamahalaan ang mga reporma sa sektor ng enerhiya upang maging mas maaasahan at mas abot-kaya ang serbisyo sa mga Pilipino.
Samantala, kumpiyansa naman si Energy Secretary Sharon Garin na makakamit ng bansa ang itinakdang target sa renewable energy sa tulong ng patuloy na pagpapatupad ng mga programa ng Department of Energy (DOE).










