Thursday, July 23, 2026

Senador, kinumpirma na may hiling ang OVP na gastusan ng Senado ang pagkain at inumin ng defense team

Kinumpirma ni Senator Panfilo Lacson na mayroong sulat si Vice President Sara Duterte para kay Senate President Win Gatchalian na humihiling na sagutin ng Senado ang pagkain at inumin ng mga miyembro at support staff ng defense team sa impeachment trial.

Ang liham ay may petsang July 7, 2026 at may tatak na natanggap ito ng opisina ni Gatchalian.

Nakasaad sa sulat ang tatlong hiling ng Office of the Vice President (OVP) sa Senado:

1. Eksklusibong isisilbi sa designated holding room ng defense team ang lahat ng pagkain at inumin.

2. Lahat ng pagkain at inumin ay manggagaling, ihahanda at isisilbi ng accredited caterer ng OVP.

3. At dahil ito ay konektado sa impeachment trial, hiniling ng OVP na sagutin ng Senado ang gastos sa kanilang pagkain, inumin at catering services.

Ang hiling na ito ay para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng defense team at kanilang mga staff at testigo at upang masiguro ang buo at epektibong partisipasyon sa impeachment trial.

Iginiit ni Lacson na hindi niya masusuportahan ang hiling na sagutin ng mataas na kapulungan ang gastos sa pagkain ng OVP at accredited caterer lang OVP ang babayaran sa dahilang paglabag ito sa Government Procurement Law.

Facebook Comments