Umapela si Senator Raffy Tulfo sa Department of Education (DepEd) na solusyunan ang mga napansing problema sa loob ng mga paaralan sa katatapos na halalan.
Ayon kay Tulfo, naging maayos at systematic naman ang naging proseso ng kanilang pagboto noong Lunes sa Quezon City High School subalit napuna niya ang kalagayan ng mga classrooms sa paaralan at posibleng ang ibang eskwelahan ay may ganito ring sitwasyon.
Ilan sa mgta nasita ng mambabatas ang mga armchairs na sobrang luma, tabingi, kulang na sa turnilyo at maluwag na, na maaaring maka-aksidente pa sa mga mag-aaral.
Marami aniyang ceiling fans ang bukod sa luma ay hindi na rin gumagana at ang mga bintana na naka-grills na at naka-chicken wire pa na malaking banta sa kaligtasan kapag nagkasunog.
Nanawagan si Tulfo kay Education Secretary Sonny Angara na pagtuunan ng pansin ang mga ganitong problema sa mga pampublikong paaralan upang mailagay sa maayos na kalagayan ang mga estudyante sa pagbubukas ng klase.