Tuesday, November 3, 2026

Mga paglabag ng pet crematorium na nagtapon ng mga patay na alagang hayop sa Bulacan, pinabubusisi ng isang senador sa mga ahensiya ng gobyerno

Hiniling ni Senator Joel Villanueva sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na silipin ang business practices at paglabag sa environmental law ng pet crematorium na nagtapon ng mga patay na alagang hayop sa Bulacan.

Giit ni Villanueva, kilalang na animal lovers ang mga Bulakenyos at hindi sila papayag na makilala ang kanilang lugar na nagiging kasabwat ng animal cruelty kasabay ng hiling na mapanagot sa batas ang may-ari ng establisyimento.

Nanawagan ang senador sa Department of Trade and Industry (DTI) na imbestigahan ang posibleng mapanlinlang na negosyo at tulungan ang mga apektadong pet owners sa pagsasampa ng reklamo laban sa Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium.

Umapela rin ang mambabatas sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na silipin ang posibleng paglabag ng pet crematorium sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act at iba pang environmental laws.

Binigyang-diin ni Villanueva na hindi lamang ito dapat matapos sa pagpapasara ng naturang establisyimento o ituring ang insidente na paglabag sa business regulation kundi dapat maparusahan sa ilalim ng batas ang mga nasa likod ng operasyon ng pet cremation services na ito.

Facebook Comments