
Umaasa ang Philippine National Police (PNP) na makikipagtulungan at bukas ang lahat ng mga coach, manlalaro, at iba pang indibidwal na ipinatawag para sa imbestigasyon kaugnay ng nangyaring insidente na ikinasawi ng 2 college basketball players sa lalawigan ng Aurora noong June 8.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., inaasahan ng pulisya ang kooperasyon ng Ateneo sa buong proseso ng imbestigasyon para maipaliwanag sa mga magulang at publiko ang tunay na nangyari sa kabila ng mga espekulasyon na kumakalat sa social media.
Nabatid na nagbigay na ng subpoena ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa mahigit 20 indibidwal na kinabibilangan ng mga coaches, players, resort owner, staffs, local government unit at maging ang bus driver na sinakyan ng mga atleta.
Kung saan inaasahan ang pagdalo nila sa Lunes sa tanggapan ng CIDG sa Quezon City sa iba’t ibang oras.
Kaugnay nito, tinitingnan na rin ng pulisya ang posibilidad ng mga paglabag sa Republic Act No. 11053 o ang Anti-Hazing Act of 2018 kaugnay ng team building na ginawa sa isang beach resort.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at pangangalap ng nga pahayag ng mga saksi kaugnay ng nasabing trahedya.










