Tututukan ng bagong Regional Agriculture and Fisheries Investment Portfolio (RAFIP) 2025 ng Philippine Rural Development Project (PRDP) Scale-Up ang pagpapalakas sa produksyon at merkado ng walong pangunahing produkto sa Ilocos Region bilang bahagi ng pagpapataas ng kita ng mga magsasaka at mangingisda.
Kabilang sa mga produktong itinuturing na prayoridad para sa pamumuhunan ang palay, mais, sibuyas, mangga, kape, mani, kamatis, at baboy.
Pinili ang mga ito batay sa potensyal na makapagpataas ng kita, makapagpatibay ng value chain, at makapagpalakas ng kompetisyon ng agrikultura sa Region 1.
Ayon kay Doris Joy Garcia, pinuno ng I-PLAN component ng PRDP, inaprubahan ng Regional Development Council ang RAFIP bilang pangunahing estratehiya upang mapataas ang produktibidad ng agrikultura sa rehiyon.
Binanggit din ni Garcia na ang plano ay nakabatay sa aktuwal na datos mula sa mga magsasaka, mangingisda, negosyante, at lokal na pamahalaan sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at Pangasinan.
Inaasahang gagamitin ang RAFIP bilang gabay ng mga ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, state universities and colleges, at iba pang sektor sa pagpapaunlad ng agrikultura sa Region 1.
Inilunsad ang RAFIP sa San Fernando City, La Union sa pagdalo ng mga kinatawan ng pamahalaan, institutional buyers, mga kooperatiba ng magsasaka, at mga pamahalaang panlalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








