Pinabulaanan ng Bolinao Disaster Risk Reduction and Management Council ang kumakalat na impormasyon na iniuugnay ang mga namataan umanong paniki sa Santiago Island at iba pang hindi beripikadong ulat sa mga naitatalang lindol sa lugar.
Ayon sa mga awtoridad, walang siyentipiko o konklusibong ebidensya na nagpapatunay na may kaugnayan ang galaw ng mga paniki sa pagyanig ng lupa.
Ipinaliwanag na ang pagdami o paglipad ng mga ito ay maaaring dulot ng paghahanap ng pagkain, pagbabago ng panahon, at iba pang likas na dahilan.
Nilinaw rin ng mga kinauukulang tanggapan na wala pang inilalabas na opisyal na advisory ukol sa agarang banta ng lindol o tsunami sa Bolinao sa kabila ng mga naitatalang mahihinang pagyanig sa mga nakalipas na araw.
Dahil sa pagkalat ng mga hindi beripikadong impormasyon sa social media, hinikayat ang publiko na sumangguni lamang sa mga opisyal na ahensya para sa mga abiso at update kaugnay ng mga kalamidad.
Ayon pa rito, nananatiling ligtas at bukas ang Bolinao para sa mga residente, turista at mga bumibisita sa mga pangunahing pasyalan at tourism sites sa bayan habang nagpapatuloy ang monitoring ng mga kinauukulang tanggapan sa mga seismic activities at iba pang posibleng panganib. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










