
Binigyang-diin ng opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) na hindi dapat maging hadlang ang pagkakaiba sa pananaw sa pulitika para ipaglaban ang ating karapatan sa ating teritoryo.
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, habang marami kasi sa mga Pinoy ang abala at hati dahil sa mga isyung pampulitika ay lalong nagiging mapangahas ang gobyerno ng China sa pag-angkin sa West Philippine Sea.
Kabilang dito ang muling paglapit ng mga barko ng China Coast Guard sa Pag-asa Island na itinuturing na tahanan ng mga Pilipino at bahagi ng Kalayaan, Palawan.
Ipinunto ni Tarriela ang panibagong pangha-harass kamakailan ng mga barko ng China sa mga BFAR vessel sa layong 54 nautical miles mula sa baybayin ng Palawan at ang pagharang sa resupply mission ng AFP sa mga sundalo sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Tarriela, sinadya ito at hindi hiwa-hiwalay na insidente lalo’t sinusubukan ng China kung hanggang saan kayang itulak ng China ang kanilang ambisyon kahit nilalabag ang international law.
Dahil dito, nanawagan ang opisyal sa mga Pilipino na labanan ang misinformation at magkaisa sa laban para sa West Philippine Sea anuman ang kulay natin sa politika.










